Thursday, June 22nd, 2006...7:16 am

Payong kaibigan

Jump to Comments

Tag-ulan na naman. Mating season na uli ng mga palaka. Maglilitawan na
naman ang mga misteryosong kabute. Oras na para isuot ang kapote. Ayus.
It’s raining. Mas nakakatamad lalo ang lumabas ng bahay dahil sa mas
masarap ang magpakasenti sa loob ng bahay tuwing umuulan habang
nakikinig ng greatest hits ng Backstreet Boys.

Madalas, di ako nagdadala ng payon kapag umaalis ng bahay. Kung may dala man akong payong, hihintayin ko pa ang signal number 2 para ilabas yun–ilalabas lang ha. Dapat na-announce muna ng PAGASA na signal number 3 na ang bagyo para buksan ko ang payong ko–assuming na may dala nga ako.

Para
sa akin, hindi naman baduy ang pagdadala ng payong. Mas nababaduyan ako
sa mga papogi na nakatayo ang kwelyo at sa mga mukhang saranggolang
naka-suot ng “elephants”. Mas lalo namang baduy ang mga kumag na
ginagawang pamporma ang jologs na paper bag ng Girbaud (pronounced daw as “Jheerbaouw”). Naniniwala akong ang pagdadala ng payong ay di nakakabawas ng pogi points, lalo na kung wala ka naman talagang ganun.

Sari-sari
naman ang mga payong at sigurado akong makakahanap ka ng bagay sa style
mo. Masyadong boring ang mga payong na plain lang. Kapag kulay itim ang
payong mo, para kang a-attend sa libing ni Charito Solis–dapat iwasan ang kulay itim. Sa halip, piliin ang mga payong na may disenyong Hello Kitty at Kero Kero Kerropi para mas vibrant at youthful ang paglalakad mo sa ulan (Takdang Aralin: Basahin ang Holy Bible at bilugan ang lahat ng makitang salitang “vibrant” at “youthful”). Mas maganda ang Hello Kitty na payong mo kung meron itong pito (“whistle” sa ingles) sa letter “J” nitong handle–lalo na kung nasa Titanic ka.
Ang mga payong naman na kulay pink, green, at glow in the dark, ay
mabisang pananggalang sa ulan lalo na kapag sinamahan mo ng “African
Anti-Rain Dance” (according sa Encarta Encyclopedia 2009).

Kung
gusto mo namang maging baduy, magdala ka ng malaking payong na gamit ng
mga nagtitinda ng sorbetes. Epektib na epektib ang mga payong na may
tatak na “Jollibee”, “Metrobank”, “SSS” at “Eat Bulaga” bilang tungkod ng mga nakatatanda–pwede rin itong magamit na substitute sa Senior Citizen Card.
Ang mga nasabing payong ay masyadong delikado sa seguridad ng mga malls
kaya mapipilitan kang iwan yun sa baggage counter para maiwasan ang iba
pang sakuna. Hindi makakabuti ang pagdadala ng mga naturang payong sa
debut (pronounced as “dibooo“) ng bespren mo dahil baka mapilitan kang magbayad ng entrance fee para sa dala mong excess baggage.

Wag
kayong mahiya na magdala ng payong. Sa tingin ko mas nakakahiya ang
maging uhugin dahil sa sipon na dulot ng ulan. Mas baduy ang mabasa ng
ulan kaya lagi kayong magdala ng payong–para makikisukob ako.

*Sniff*



15 Comments

Leave a Reply