Sa tingin ko, bumababa na ang value ng entertainment sa Pilipinas. Bukod pa ‘dun, pati ang creativity ng mga Pinoy ay nauubos na rin. Nakakalungkot na kailangan nating manghiram ng ideya sa mga kapitbahay nating Asyano para lang gumawa ng palpak na TV show gaya ng Zaidoh.
Bihira akong manood ng telebisyon. Kain at tulog lang ang inaatupag ko halos sa bahay dahil medyo mala-prinsipe ang buhay ko. Kumain, matulog, at tumae. Hindi kami pinalad na magkaroon ng subscription sa cable TV network at hindi rin makapal ang mukha namin para magnakaw ng cable TV connection gaya ng ginagawa ng mga kaklase ko.
Nalulungkot ako dahil bihira na nga lang akong manood ng TV at sa tuwing susubukan kong manood eh tumatambad sakin ang mga commercial ng mga hiram na palabas sa mga banyaga. Paulit-ulit lang ang mga patalastas at isa lang ang nais ipahiwatig ng lahat: NUMBER 1 SA JAPAN! NUMBER 1 SA KOREA! NUMBER 1 SA AMERICA! Nakakasawa na. Lalo tayong nagpapaalipin sa mga banyaga sa pagtangkilik ng mga bagay-bagay dahil lamang sa tinatangkilik din nila ito. At dahil nga uso ang colonial mentality, pumapatok din ang mga palabas na ito kahit hindi si Angel Locsin ang bida.
Pero ano ba ang nais kong ipahiwatig sa blog entry na ito?
Bilang mga Pilipino, kailangan nating piliing mabuti ang ating pinapanood. Tangkilikin natin ang mga mahuhusay na palabas (lalo na kung gawang Pinoy) at iwasan nating ang mga walang kwentang TV shows dahil hindi ito nakakabuti sa ating pagbibinata.
Hindi ko kayang magbigay ng listahan ng kung ano ang mga palabas sa telebisyon na dapat nating panoorin, ngunit meron naman akong listahan ng mga uri ng palabas na hindi natin dapat panoorin. Kung paano ko pinili yung mga ‘yun eh wala ka nang paki-alam. Blog ko ‘to at ako ang masusunod.
Eto ang mga palabas na dapat i-ban ng MTRCB sa lalong madaling panahon:
Pinoy Big Brother
May mga tinatawag na housemates na ikukulong sa isang bahay na punong-puno ng camera. Titira sila doon sa loob ng ilang panahon at magkakaroon ka ng pagkakataon na makita sila na natutulog, nagkukuwentuhan, nagluluto, naglalaba, nangongolangot, at nagkakamot ng pwet dahil nga puno ng camera ang bawat bahagi ng bahay.
Gaya nga ng sinasabi ko sa mga kaibigan ko, pumatok ang walang kwentang palabas na Pinoy Big Brother dahil sa natutupad nito ang isa sa pinakamalaking pantasya ng bawat jologs na Pinoy: ang makasagap ng tsimis. Aba’y hindi mo na kailangan ng ulat ni Rey Pumaloy at Boy Abunda dahil nasa camera na lahat ng tinatago nila. Basta lagi kang nanonood ng Pinoy Big Brother, masasabi mo kung sino ang maitim ang kili-kili sa mga housemates. Pero ano naman ang naitutulong nito sa mga Pilipino? Wala diba? At maniwala kayo na sobrang boring na makiboso sa bahay ng may bahay via camera.
Tagalized Hollywood Movies
Simula nung early 2000s, natutong magtagalog sina Tom Cruise at Brad Pitt gaya ni Marimar. Ngunit gaya nga rin ni Marimar, boses may sipon sila. At ganun din ang nangyari sa mga pelikula na kinabibidahan nila.
Isipin niyo nalang na ang Mission Impossible ay maaring ipalabas na nasa wikang Tagalog. Ambaduy nun ah! Ngunit hindi dahil sa baduy ang wika nating mga Pinoy, pero hindi lang talaga bagay sa mga Hollywood actors ang mag-thigalog sa parehong dahilan na hindi bagay sa mga social climbers at mga bading ang mag-english.
Naniniwala akong likas na mahusay ang mga Pinoy sa wikang ingles kaya hindi na kailangang mag-Tagalog ang mga dayuhan at banyaga. Bukod dun, nababastos ang ating wika sa paggamit nila nito sa mga pelikula nila.
Home TV Shopping
Eto ang cable TV ng mga walang cable TV. Marathon ng mga produkto na pilit na inaalok sa mga walang magawa sa harap ng telebisyon. Maraming kalakal ang kanilang binebenta. May mga lutuan, floor mop, weight reducer, muscle toner, pampatangkad, ice crusher, brick game, screw drivers, kutsilyo, Tupperware, sun glasses, juicer, pampababa ng bill ng kuryente, at breast enlarger.
–YOU’LL GET NOT TWO! NOT THREE! BUT ONE ROTATING DISC BLADE FOR YOUR MAGIC CHEF IF YOU CALL WITHIN THE NEXT 10 MINUTES! SO HURRY NOW BECAUSE OFFER IS ONLY GOOD ‘TIL SUPPLIES LASTS! BUT WAIT THERE’S MORE! IF YOU ORDER TWO MAGIC CHEF YOU’LL ALSO GET A FREE BREAST ENLARGER! CALL 890-2345 RIGHT NOW! THAT’S RIGHT! 890-2345! OUR FRIENDLY OPERATORS ARE STANDING BY TO TAKE YOUR ORDERS!!!
Eh ano naman ang espesyal sa binebenta nila bukod sa nasa TV ang mga ito? Hindi na natin kailangan ang mga produkto na yan. Sapat na yung mga imported na gawang China na punong-puno ng lason para matuto tayong tangkilikin ang sariling atin. Kung titignan din naman natin ang mga binebenta nila, halos lahat yan eh nasa Quiapo rin naman. Naiba lang ang packaging at naipalabas lang sa telebisyon. Kung tutuusin nga mas okay pa nga sa Quiapo dahil yun lang yata ang lugar sa buong mundo na nagbebenta ng pamparegla.
The 3 O’ Clock Habit
Eto yung pampabitin na segment kapag nanonood ka ng Daisy Siete.
Holy God… Holy mighty one… Holy immortal one…
Kung anong meron sa alas tres na wala sa alas singko, alas kwatro, at alas dose, hindi ko alam. Pero ang sigurado ko eh, hindi na napapansin ang The 3 O’ Clock Habit. Nasasayang lang ang mga oras na dapat sana eh nirereplay ang mga commercial ng Prospero Pichay.
Naniniwala ako na hindi lang dapat tuwing alas tres alalahanin ang mga ginawa ng Diyos (assuming na naniniwala ka rin). Hindi rin sapat ang tula na Holy God… Holy mighty one… Holy immortal one… para makagawa ng impact sa mga Pilipino sa kapanahunan ngayon.
Pinoy Horror TV Series
Ang totoo, naniniwala akong lahat ng mga palabas na naging director si Dingdong Dantes ay dapat sunugin at i-alay kay Baal–kahit hindi pa ito horror.
Aba naman mga prens, kung titignan ninyo yung mga horror shows na gawa ng Pinoy ngayon eh mas malala pa sa Shake Rattle & Roll at Patayin sa Sindak si Barbara noong 80s. At sinong pinagmamalaki nating horror character? Si Chaka Doll? Whoa!
Dapat malaman natin kung ano ang pinagkaiba ng nakakatakot at nakakadiri na palabas.
Tagalized Anime Reruns
Okay lang naman saking manood ng mga Tagalized anime. At gaya nga ng sabi ni Yan, mas okay ang Tagalog kaysa sa English-dubbed na anime. Pero kahit na anong ganda pa ng palabas, kapag inulit mo na ito ng mahigit na pitong beses, gaguhan na yun.
Sana ba kung katulad yan ng Doraemon na mataas ang replay value. Jusko naman, ilang beses na bang naglaban si Taguro at Eugene sa TV screen mo? Nakakasawa na rin ang panonood ng Flame of Recca. Nakailang half-time na ba ang Slam Dunk? Nakakasawa na. Nakakaumay na. Tsk tsk tsk… Pati yung mga batang nanonood eh nagsasawa na rin kaya sa hentai nalang nila binabaling ang atensyon nila. Tsk tsk tsk…
Kung ako lang ang masusunod ipapaulit ko yung Mojacko.
Cooking Shows
Ito yung numero uno kong kaaway noong nanonood pa ako ng Eat Bulaga. Bago kasi mag-Bulagaan segment eh ipapalabas muna yung Del Monte Kitchenomics.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang i-video ang pagluluto nila. Wala namang espesyal sa pagbasag nila ng itlog. Sana ba kung nagaacrobatics sila habang naghahalo ng sauce or sows. Hindi naman magiging masarap ang pagkain kung gwapo ang chef. At lalong hindi mo malalman kung masarap unless natitikman mo.
Sinabi sakin ng kaibigan kong si Kyle na ang trabaho daw ng mga tagaluto eh gawing mukhang masarap ang pagkain sa unang tingin pa lang. Pero ito’y walang dudang panlilinlang sa mga manonood. Paano ka makakasiguradong asukal ang inihahalo sa halip na iodized salt?
At lahat naman ng cooking shows eh may segment kung saan titikman nila ang pagkain na niluto nila. At pare-pareho sila na ang mga dialogue ay “Mmm… Ansarap! So delicious!” kahit na hindi mo naman talaga sigurado kung sila yung nagluto nun. Panlilinlang po yan mga kaibigan. Walang duda. Sa cooking shows, hindi pwede ang “to see is to believe”.
Dora the Explorer
Hindi ko alam kung para sa bata talaga ang palabas na ito o para sa mga recovering na autistic kids. Pero sa tingin ko eh may kapangyarihan na itinatago ang palabas na ito.
Dora: What’s your favorite part of the trip?
<WALANG SASAGOT>
Dora: I like that too!
O diba gaguhan? Sa tingin ko eh may subliminal message ito na nagtuturo sa mga bata na maniwala sa existence ng mga aliens at para ma-open ang kanilang third eye upang makita ang mga supernatural beings gaya ng kausap ni Dora. Konti lang ang mga hibang na tao sa mundo na nagsasalita ng walang kausap. At lalong mas konti lang ang mga hibang na tao na sumasagot sa kausap nila na hindi naman talaga nila kausap kasi wala naman talaga silang kausap. Diba? Malinaw ang sentence na yun. No doubt about it.
Boycott Dora the Explorer! Mabuhay ang Batibot!
Dahil nga bumababa na ang value ng entertainment sa Pilipinas, tayo bilang Pilipino ay dapat na may gawin ukol dito. Kung lahat tayo ay tatangkilikin lamang ang mga palabas na may katuturan, mape-pressure ang mga producers na gumawa ng show na may katuturan. Ngunit kung magtitiis tayo sa low quality entertainment na mukhang imported sa China, hindi rin itataas ng mga producers ang level ng mga palabas sa Pilipinas.
Kung pipiliin mong manood ng Zaidoh at Kokey, press CTRL+W.
Ako naman eh babalik na sa aking lifestyle. Kain-tulog-tae.
P.S.: Ang Zaidoh ay palabas ng GMA na tungkol kay Shaider. Ang bida dito ay ang mga nasa Starstruck (kung hindi ako nagkakamali).
Si Kokey naman, bukod sa naging movie noong 90s, naging TV series na rin ngayong 2007. Patunay lang na napupuno na ng basura ang telebisyon mo.
Katulad ng telebisyon mo, napupuno na rin ng basura entries ang blog ko.
Ang lahat ng mga naisulat ko eh puro ayon sa aking pananaw kaya wag mong sisihin yung dalawang nabanggit kong pangalan diyan. Ngunit kung gusto mong kumontra wala akong magagawa. Malamang eh anak ka ng isang tv producer kaya masama ang loob mo sa entry na ‘to.
Salamat sa pagbasa hanggang sa dulo. Simulan mo nang hanapin ang mga typo.